CAUAYAN CITY – Bumuhos ang tulong para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi at nasugatan sa aksidente sa labas ng Lucky Plaza shopping center sa Singapore.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa OFW na si Rexie Mansibang-Antonio na taga-San pablo, Isabela at nakaligtas sa aksidente, sinabi niya na bumubuhos ang donasion ng mga kapwa nila OFW sa pamamagitan ng isang Non-Government Organization (NGO) na tumutulong sa mga Pilipino sa Singapore.
Isasailalim aniya ngayong araw sa surgery ang isa sa mga OFW na malubhang nasugatan sa aksidente na si Edna Limbauan na taga-Sta. Maria, Isabela.
Ayon kay Gng. Antonio, mahina at hindi pa gaanong makapagsalita ang kanyang kaibigang si Edna na nakatalikod kaya hindi naiwasan ang kotse na sumagasa sa kanila.
Nakalayo siya nang makitang patungo sa kanilang kinaroroonan ang kotse ngunit nabangga si Edna dahil nakatalikod siya kaya hindi nakita ang parating na kotse.
Hindi basta naglalabas ng medical condition ang ospital sa Singapore hinggil sa kalagayan ng kanilang pasyente.
Dahil walang kapamilya si Edna sa Singapore ay ang kanyang employer ang bibigyan ng impormasyon hinggil sa kanyang medical condition.
Hindi aniya papayag ang Ministry of Manpower na uuwi sa Pilipinas Edna na hindi siya ganap na magaling.
Sinabi pa ni Gng. Antonio na ang lugar kung sana nangyari ang aksidente ay talagang tambayan ng mga OFW tuwing Sabado at Linggo ngunit pansamantala muna itong kinordon ng mga otoridad sa Singapore dahil sa nangyaring aksidente.