CAUAYAN CITY – Marami ang naantig ang damdamin sa ginawang emosyonal na panawagan sa Bombo Radyo Cauayan ng isang magsasaka makaraang hindi nito namalayan na nahulog ang perang pambayad sana sa hospital bill ng kanyang anak.
Nanawagan sa pamamagitan ng Bombo Radyo si Ginoong Rodolfo Valiente ng Santa Isabel Sur, Ilagan City sa sinumang nakapulot sa kanyang perang nagkakahalaga ng dalawamput isang libong piso.
Sinabi niya na ang pera na nakalagay sa supot ng ice water ay nasa likurang bulsa ng kaniyang suot na short pants at pambayad sana sa hospital kung saan naka-confine ang kanyang anak na may sakit sa puso.
Gayunman ng makarating siya sa hospital at kaniyang tingnan ay dito na niya natuklasan na wala na ang kaniyang dalang pera.
Hinala ni Mang Rodolfo na ang kanyang pera ay nalaglag habang siya ay lulan ng tricycle patungo sa hospital sa lungsod ng Ilagan.
Ang nasabing pera ay napagbentahan niya ng baka para mayroon lamang pambayad sa hospital ng kanyang anak kaya gayun na lamang ang kaniyang hinagpis ng ito ay mawala.
Nakiusap siya sa nakapulot ng pera na ibalik ang pera dahil kailangan niyang pambayad sa pagpapagamot ng kanyang anak.
Matapos naman ang panawagan ni Mang Rodolfo sa Bombo Radyo Cauayan ay bumuhos ang tulong pinansiyal mula sa ilang mamamayan na nakarinig.
Agad na nagpahatid din ng tulong ang Provincial Government ng Isabela habang nangako naman ng tulong sa hospital bill ng kaniyang anak ang panlalawigang tanggapan ng DSWD.




