Isinalaysay ng isang buntis na babaeng biktima ang milagrong pagkakaligtas nito sa naganap na malagim na aksidente sa Mambabanga, Luna, Isabela na kumitil ng 3 katao at ikinasugat naman ng 10 iba pa nitong Enero 21, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alias “Mira,” hindi tunay na pangalan, ibinahagi nito na pupunta sana siya sa kaniyang trabaho sa isang malaking Mall sa Cauayan City nang mangyari ang insidente.
Aniya, siya ang kauna-unahang pasahero ng jeep kaya naupo siya sa unahang bahagi, katabi ng driver.
Bago pa man aniya makarating sa pinangyarihan ng insidente ay may isinakay pa ito sa Barangay Harana, Luna. Dahil umano sa bahagyang pataas ang daan ay binilisan ng driver ang takbo ng sasakyan at hindi pa sila gaanong nakalalayo ay dito na naganap ang aksidente.
Nang sandaling iyon ay mahigpit niyang niyakap ang kaniyang tiyan upang maprotektahan ang ipinagbubuntis nito.
Sandali umano siyang nawalan ng malay at nang magising ay naroon na ang mga rescuer. Isang himala aniya na mga sugat lamang sa tuhod, gasgas sa kaliwang bahagi ng mukha, at sugat sa kaliwang braso ang kaniyang tinamo.
Nang makita niya umano ang mga kasama niyang pasahero na nakabulagta ay doon na siya nagsimulang manginig at mablangko ang isip. Ang tanging hiling na lamang niya sa mga oras na iyon ay ang mailigtas siya at ang sanggol na kaniyang dinadala.
Patuloy sa ngayon ang kaniyang pagpapagaling at ayon sa kaniya ay nasa maayos na kalagayan na rin ang kaniyang baby bagay na labis niyang ipinagpapasalamat matapos ang naganap na trahedya.
Aniya, ang pagkakaligtas nilang dalawa ang siyang nagsisilbi nitong lakas upang magpatuloy.
Gayunman, nananawagan pa rin siya sa may-ari ng truck na sangkot sa aksidente na sana ay maipaabot na ang tulong sa mga biktima dahil hanggang sa ngayon ay wala pa ring paramdam ang mga ito.
Hiling niya na sana sa lalong madaling panahon ay may maipaabot nang tulong lalo na at marami ang naapektuhan at patuloy na dumaranas ng hirap dahil sa naturang aksidente.











