Labis ang panlulumo ng isang ginang matapos matuklasang kinatay ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanilang buntis na baka sa Barangay Mangcuram, City of Ilagan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Rose Melad, may-ari ng baka, sinabi niyang nakapastol ang maraming alagang hayop sa boundary ng Barangay Mangcuram at Siffu. Dahil sa kalagayan ng baka na malapit nang manganak, hindi na umano ito inuuwi sa kanilang bahay, subalit araw-araw niya itong binibisita upang painumin at ilipat sa lilim ng mga puno ng mangga tuwing hapon.
Sa kanyang pagkabigla at lungkot, natuklasan nilang kinabukasan ng umaga na kinatay na ang naturang buntis na baka.
Ayon sa kanya, kinuha ng mga suspek ang mga lamang loob ng hayop, kabilang ang atay, at maging ang hindi pa naisisilang na anak nito.
Dagdag pa niya, dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang siya’y atakihin ng hypertension at napag-isipan na rin daw niyang ibenta ang isa sa kanyang mga baka upang magamit sa pagpapagamot. Subalit dahil siya ay isang single mom, mas pinili niyang ilaan ito para sa tuition fee ng kanyang anak sa kolehiyo.
Ang bagong silang na baka ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱15,000, habang ang ina nito ay aabot sa ₱40,000.
Bagamat matagal nang walang naitatalang katulad na insidente sa lugar, aminado si Ginang Melad na hindi ito ang unang beses na may kinatay na baka sa kanilang komunidad. Sa loob ng mahigit sampung taon, ngayon lamang muling nangyari ang ganitong krimen.
Dahil dito, nananawagan siya sa publiko na agad i-report sa mga otoridad kung may mapapansing kahina-hinalang pagbebenta ng karne ng baka sa kanilang lugar.
Naglabas naman ng paalala ang mga opisyal ng Barangay Mangcuram sa mga nag-aalaga ng hayop na ugaliing iuwi ang kanilang mga alaga tuwing gabi upang maiwasang maging biktima ng mga kawatan.











