--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang buntis na kambing ang ninakaw umano ng dalawang kalalakihan sa Aurora Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni TERESITA GALIZA, may-ari ng kambing na pinaniniwalaang nawala ang kanilang kambing dakong alas-2 ng hapon dahil bandang ala-una ay pinainom pa ito ng kanyang anak.

Bandang hapon ay bumalik ang kanyang anak para sana kunin ang kanilang kambing pero wala na ang isa.

Batay aniya sa kanyang anak, wala ang tali ng kambing at may nakakita umano na dalawang lalaki ang kumuha.

--Ads--

Nakasuot umano sila ng helmet at hindi nila inakala na magnanakaw ang mga ito dahil maganda naman ang kanilang kasuotan.

Nakasakay lamang umano ang dalawa sa isang honda sports na motorsiklo.

Batay aniya sa mga nakakita sa dalawang lalaki ay nag-ikot-ikot pa sila sa lugar bago nawala ang kanilang kambing.

Ayon kay GALIZA, malayo sa kanilang bahay ang pinagpastulan nila sa kanilang kambing.

Aniya, manganganak sana sa Marso ang kanilang kambing na ninakaw kaya panawagan niya ngayon ay ibalik na lamang ito kung hindi pa nakatay.

Panawagan din nila sa mga nagnakaw na mag-isip ng mabuti dahil hindi magandang gawain ang pagnanakaw.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may manakawan ng kambing sa kanilang barangay kaya hiling niya ay mahuli sana ang mga nagnakaw para wala nang susunod na mawala.