Nagdadalamhati ngayon ang buong Simbahang Katolika sa pagpanaw ni Pope Francis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez ang Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish Church, sinabi niya na kasabay ng pagpanaw ni Pope Francis ay hinihintay nila ang kautusan ni Bishop David William Antonio ng Diocese of Ilagan.
Sa ngayon, ang malinaw na gagawin ng Simbahan ay ang pag-alis o hindi pagbanggit sa pangalan ng Santo Papa sa Liturgy sa halip ay magiging bahagi ng misa ang pag-alala sa yumaong Santo Papa.
Paanyaya ng Simbahan tuwing may Santo Papang namamatay ay ang pag-aalay ng panalangin para sa kaniyang kaluluwa at panalangin para sa Simbahan na nawalan ng lider.
Nawa’y maging daan aniya ito para sa lahat ng mga mananampalataya na manalangin para sa isang bagong lider na siyang tatanghalin bilang bagong Santo Papa.
Aniya siyam na araw mula ngayon ay isasagawa na ang Papal Conclave na tatagal ng labing lima hanggang dalawampung araw.
Sa panahong ito ay nagkakaisa ang mga Cardinal na manalangin para pumili ng hahalili kay Pope Francis bilang mamumuno sa Simbahang Katolika.
Isang karangalan para kay Fr. Vener na makasama si Pope Francis sa Manila Cathedral noong bumisita ito sa Pilipinas bilang isa sa sampung Pari na nabigyan ng pagkakataon na makipag diwang ng banal na misa ng Santo Papa.
Personal niyang nakita ang karisma ng Santo Papa kung saan mararamdaman ang kapayapaan, kapanatagan ng loob na maituturing niyang isang napakagandang karanasan.
Itinuturing din niyang tunay na malaking pagbabago ang mga nagawa ni Pope Francis para sa Simbahang Katolika sa pagsasabuhay ng pagiging mapagpakumbaba, at pamumuhay ng simple.
Sa panahon ni Pope Francis ay maraming mga mananampalataya ang nagbalik-loob sa Panginoon habang maraming mga lumipat at naging Katoliko alinsunod sa tawag ng Diyos.











