--Ads--

CAUAYAN CITY – Limang Person Under Investigation (PUI’s) na hinihinalang nakasalamuha ng Patient 275 na kauna-unahang kaso ng Coronavirus Disease (COVID 19) sa Tuguegarao City ang natukoy na ng Cagayan Valley Inter-agency Task Force.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, spokesperson ng pamahalaang panlalawigan, sinabi niya na natukoy na nila ang tatlo mula sa apat ng PUI’s na lulan ng bus na sinakyan ng Patient 275 na bumaba sa Lunsod ng Ilagan at sa ngayon ay sumasailalim na sa 21 days home quarantine habang ang isa pang PUI ay kasalukuyan pang tinutukoy.

Sumasailalim na rin ang tsuper ng bus na residente ng Cabagan, Isabela at isa pang pasahero na bumaba sa nasabing bayan sa 21 days home quarantine.

Kasalukuyan na ring nasa 21 days home quarantine ang kondoktor ng bus nakauwi pa sa San Pablo, Isabela.

--Ads--

Samantala isa sa mga minomonitor na PUI sa lalawigan ang nasawi.

Ayon kay Atty. Binag, ang PUI ay mula sa Tumauini, Isabela.

Sinabi niya na sumasailalim sa COVID 19 confirmatory testing ang PUI subalit bago pa dumating ang resulta ng pagsusuri sa kanya ay nasawi siya noong March 21, 2020.

Una rito ay nakaranas ang ubo at hirap sa paghinga ang PUI nang naka-confine sa isang pribadong ospital sa Lunsod ng Ilagan.

Siya ay diagnose na may Severe Accute Respiratory Infection at sa koordinasyon sa Department of Health (DOH) ay inilipat ang PUI sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) at isinailalim sa COVID test subalit nasawi na wala pang resulta ang pagsusuri na dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Mahigpit na minomonitor ang pamilya ng nasawing PUI na sumasailalim na sa home quarantine.