--Ads--

Sisikapin ng ilang pampasaherong sasakyan na ma-accommodate o maisakay ang mga chance passenger kahit pa dagsaan ang mga mananakay ngayong holiday season.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay May Anne Guzman Pascual, HR Head ng isang Bus Line, sinabi niya na dahil sa dami ng reservations o bookings na kanilang natatanggap, posible pang dumoble ang bilang ng mga biyahero.

Marami pa rin aniya ang mga chance passenger na nag-aabang ng bakanteng upuan sa mga pampasaherong sasakyan kahit maliit lamang ang posibilidad na sila ay makahanap ng masasakyan.

Dahil sa dami ng mga pasahero, inaasahang punuan ang pitong pampasaherong bus kada araw simula Pasko hanggang Enero 4, dahil 45–48 lamang ang kapasidad ng bawat bus.

--Ads--

Gayunpaman, hihingi aniya sila ng augmentation sa mga bus station sa ibang lugar upang maisakay ang mga chance passenger.

Iginiit naman ng kumpanya ng pampasaherong sasakyan na prayoridad pa rin nilang maisakay ang mga naka-reserve na pasahero, at sakaling may bakanteng upuan ay sisikapin nilang isakay ang mga chance passenger dahil mahigpit na ipinagbabawal sa kanila ang overloading.

Sa ngayon, unti-unti nang napupuno ang reservations ng mga bus station. Ilan sa mga petsang fully booked ay Disyembre 26–27 at Enero 2–4.