--Ads--

Inihahanda na ang mga sasakyan sa isang bus station sa Lungsod ng Cauayan upang matiyak na sasapat ang bilang ng mga ito para ma-accommodate ang mga mananakay na magbabakasyon ngayong Pasko at Bagong Taon.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay May Ann Guzman Pascual, HR Head, sinabi niya na all set na ang mga pampasaherong bus na bibiyahe.

Sa katunayan, may mga naka-standby na rin silang bus sakaling dumagsa ang mga biyahero, at gagamitin din ang mga ito kung sakaling may masiraang bus sa gitna ng biyahe.

Sa kabuuan, mayroon silang 14 na operational na bus, 7 ang nakatakdang bumiyahe patungong National Capital Region, 7 ang bibiyahe papuntang Baguio, at 2 ang nakatalaga bilang standby units.

--Ads--

Samantala, patuloy na inoobserbahan ang pagdagsa ng bookings o reservations dahil tatlong biyahe na ang napuno noong Disyembre 26 at 27, at dagsaan na rin ang reservations para sa Enero 3 at 4.

Marami na rin umano sa ngayon ang nagpapa-reserve ng slot online at walk-in dahil peak season o inaasahang dadagsa ang mga pasaherong luluwas ngayong holiday.

Sakali namang kukulangin ang kanilang operational buses, handa naman aniya ang standby buses para sa mga chance passengers na hindi nakapagpa-book.

Samantala, wala namang pagbabago sa singil sa pamasahe, maging walk-in man o online reservation.

Nananatiling ₱800–₱900 ang pamasahe patungong Metro Manila, habang ₱850–₱950 naman ang singil papuntang Baguio.