Ilang araw nang kanselado ang mga flights ng mga eroplano sa Cauayan City Airport patungong Coastal areas ng Isabela dahil sa mga pag-ulang dulot ng Shearline.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Eduard Caballero, ang hepe ng Cauayan Airport Police Station, sinabi niya na dahil sa mga pag-ulan ay dalawang araw nang kanselado ang flights patungo sa Palanan at Maconacon.
Bagamat maraming apektadong pasahero ay tanggap naman ng mga ito ang sitwasyon dahil para rin naman ito sa kanilang kaligtasan.
Aniya maganda ang lagay ng panahon sa Mainland Isabela ngunit pagdating na sa mga kabundukan ng Sierra Madre ay dito na mararanasan ang mga pag-ulan at makapal na ulap na delikado sa mga sasakyang panghimpapawid.
Sa kabila nito ay tuloy naman ang byahe ng mga eroplanong patungo sa Maynila dahil mabuti ang lagay ng panahon sa kanilang dadaanan.
May mga mangilan-ngilan pa rin namang pasahero na nagtutungo sa paliparan upang tanungin kung kailan magpapatuloy ang mga byahe.
Pinaalalahanan naman niya ang mga pasahero na hintayin ang abiso ng airline kung saan sila nagbook ng flight sa pagreresume ng byahe bagamat nakadipende ito sa magiging lagay ng panahon.