Naglabas na ng freeze order ang Court of Appeals o CA laban sa mga ari-arian nina Benguet Rep. Eric Yap, ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap, at Silverwolves Construction Corporation na umano’y konektado sa mga kuwestiyonableng flood control projects sa La Union, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na sakop ng freeze order ang kanilang bank accounts, properties, at ir assets.
Ayon sa Pangulo mula 2022 hanggang 2025 mahigit P16 bilyon ang pumasok sa mga transaksiyon ng Silverwolves, karamihan ay kaugnay ng mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Kabuuang 280 bank accounts, 22 insurance policies, tatlong securities accounts, at walong air assets kabilang ang ilang eroplano at isang helicopter na konektado sa Sky Yard Aviation ang ipinag-utos na i-freeze.
Paliwanag ni Marcos, layon ng hakbang na ito na hindi maibenta o mailipat ng mga sangkot ang kanilang mga ari-arian at masiguro na maibabalik sa gobyerno ang bawat sentimong pinaniniwalaang ninakaw mula sa pondo ng bayan.
Matatandaang noong Oktubre, tinukoy ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla si Rep. Eric Yap bilang person of interest kaugnay ng reklamong isinampa ng DPWH hinggil sa umano’y iregular na flood control projects sa La Union.
Personal na naghain si Public Works Secretary Vince Dizon ng reklamo ng malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents laban sa ilang opisyal ng DPWH, Silverwolves Construction Corporation, at St. Timothy Corporation.
Sinabi rin ni Remulla na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na si Rep. Yap ang beneficial owner ng Silverwolves Construction.
Mariin namang itinanggi ni Rep. Eric Yap ang akusasyon ng pagkakasangkot sa kickback scheme, at sinabing wala siyang inutos na pag-deliver ng pera kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.
Ito ay matapos siyang madawit ng isang umano’y dating security consultant ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na nagsabing nagdala umano si Yap ng 46 maleta ng pera sa bahay ni Co sa Pasig City.
Samantala, ibinunyag ni Remulla na nadiskubre ng Anti-Money Laundering Council o AMLC na sina kontraktor Pacifico at Cezarah “Sara” Discaya ay nagpadala umano ng pera kay Rep. Edvic Yap, kapatid ni Eric, noong 2019 o 2020.











