
CAUAYAN CITY – Pormal ng binuksan sa publiko ang Cabagan Bypass road na isa sa mga pinakamalaking proyekto ng DPWH Region 2.
Tinagurian itong super highway dahil may haba itong 1.67 kilometers na may iba’t ibang amenities tulad ng drainage canals, tree lanes, labing area, Carriageway, side walks at bike lane na pinondohan ng P224.889 million.
Sinimulan ang proyekto noong 2019 at natapos noong nakaraang taon.
Layunin ng pagtatayo ng Cabagan Bypass road na magbigay ng serbisyo sa labing pitong libong biyahero bawat araw at mabawasan ang oras ng biyahe mula Tuguegarao City sa Cagayan at Lunsod ng Ilagan sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Wilson Valdez, information officer ng DPWH Region 2, sinabi niya na mula sa dating 1 hour at 30 minutes ay mababawasan ito ng 20 minutes kaya 1 hour at 10 minutes na lamang ang biyahe mula Tuguegarao City at Lunsod ng Ilagan.
Kasalukuyan na rin ang construction ng Divisoria Bridge, San Pablo Bridge at Santa Maria Cabagan Bridge na pawang nasa ilalim ng Multi Constuction project.
Inilunsad rin ang ground breaking para sa construction ng P2.4 billion project na Pinacanauan Bridge sa Tuguegarao City na inaasahang matatapos sa taong 2030.










