
CAUAYAN CITY – Mayroon nang sinusundang lead ang Cabagan Police Station kaugnay sa source ng mahigit isang milyong halaga ng shabu na nasamsam sa isang newly identified drug personality sa Barangay Ugad.
Una rito ay naitala ng Philippine Drug enforcement Agency bilang street level individual ang isang lalakeng nasamsaman ng mahigit isang milyong pisong halaga ng shabu sa Barangay Ugad.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Lopez ang hepe ng Cabagan Police Station sinabi niya na matagal tagal din nilang sinubaybayan ang pinaghihinalaan na si JC Datul, dalawampu’t apat na taong gulang, na residente ng Ugad, Cabagan, Isabela.
Aniya isinagawa ng mga kasapi ng Cabagan Police Station kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency ang pagsisilbi ng search warrant kahapon sa pinaghihinalaan, paghahalughog sa bahay ng pinaghihinalaan ang isang plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 150 grams at may tinatayang halaga na 1,020,000 pesos.
Nasamsam din sa nasabing lugar ang tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Ayon pa kay PMaj. Lopez sa ngayon ay natukoy si Datul bilang street level individual sa kabila ng malaking halaga ng kontrabandong nasamsam mula sa kaniya.
Si Datul ay dinala sa Cabagan Police Station kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at disposisyon.
Nagpapatuloy ang pagsisiyasat sa posibleng source ng iligal na droga na ibinebenta ni Datul dahil sa ngayon ay may ilang lead na rin silang sunusundan sa tulong ng ilang impormasyong ibinigay ng pinaghihinalaan.
Sa ngayon ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ang pinaghihinalaan.










