--Ads--

Inaasahang matatapos at bubuksan sa publiko sa darating na buwan ng Marso ang detour para sa nasirang Cabagan-Sta. Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ng Probinsiya ng Isabela, nilinaw nito na ang nasabing detour ay eksklusibo lamang para sa mga light vehicles tulad ng kotse, van, at motorsiklo.

Pansamantala namang ipagbabawal ang pagdaan ng mga malalaking truck upang masiguro ang kaligtasan ng istruktura habang ito ay ginagamit.

Ayon kay Gov. Albano, ilalaan ang halos dalawang buwan para sa konstruksyon ng detour. Gagamitan ito ng bakal bilang pansamantalang materyales upang mabilis na matapos at magamit agad ng mga motorista.

--Ads--

Aniya, matapos ang paggawa ng detour, agad na sisimulan ang rehabilitasyon at pagpapalakas ng orihinal na Cabagan-Sta. Maria Bridge.

May nakalaan na umanong budget para sa nasabing proyekto, na kinabibilangan ng paglalagay ng karagdagang mga poste sa ilalim ng tulay upang matiyak ang tibay at mahabang pakinabang nito.

Dagdag pa niya, sa kabila ng mga natatanggap na kritisismo, nanindigan ang Gobernador na magpapatuloy ang kanilang serbisyo. Aniya, wala itong paki-alam sa mga nagbabatikos, mag-chill na lamang umano mga ito at siya na ang bahala.

Ang Cabagan-Sta. Maria Bridge ay itinuturing na isa sa mga pangunahing daanan sa lalawigan ng Isabela, kaya naman minamadali ang pagsasaayos nito upang maibalik ang maayos na daloy ng trapiko.

Matatandaang gumuho ang naturang tulay noong February 27, 2025.