--Ads--

Tuluyan nang isinara sa publiko ang bumagsak na Cabagan-Sta Maria Bridge matapos itong gawing tawiran ng mga residente dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog.

Matatandaan na kumalat sa social media ang paggawa ng improvised na tawiran ng mga residente sa bumagsak na bahagi ng tulay gamit ang bakal upang makatawid ang mga ito patungo sa kabilang bahagi ng ilog matapos malubog sa tubig ang sta maria overflow bridge.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, Chief of Police ng Cabagan Police Station, sinabi niya na bagaman maganda ang hangarin ng mga residente ay hindi pa rin nila maiwasan ang maalarma dahil maaari itong magdulot ng panganib sa mga residenteng tumatawid dito.

Dahil dito ay nagsagawa sila ng pagpupulong kasama ang Department of Public Works and Highways at Local Government Unit ng Cabagan at napag-desisyunan na tuluyan nang isara ito sa publiko.

--Ads--

Nilinaw naman niya na kaligtasan ng publiko ang kanilang priyoridad.

Hindi umano nila tinagtanggal ang posibilidad na maaaring bumigay ulit ang tulay kaya hindi na ligtas na gamitin ito.

Sa ngayon ay mayroon nang harang at may nakabantay na ring pulis at tanod upang matiyak na wala nang makakalusot sa pagtawid sa kontrobersyal na tulay.

Pansamantala ay maaari na munang gumamit ng bangka ang mga residente upang makatawid sa ilog.