Nababahala na ang mga magulang ng mga estudyanteng nag-aaral sa Cabatuan National High School matapos maitala ang panibagong insidente ng bomb threat sa naturang paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabelo Visaya Jr., Head Teacher at Focal Person ng Senior High School, agad nilang pinauwi ang mga estudyante matapos matanggap ang mensahe ng pagbabanta.
Isinagawa ng mga awtoridad ang clearing operation at walang natuklasang pampasabog, kaya’t inaasahang magbabalik sa normal ang operasyon ng paaralan kinabukasan.
Binigyang-diin ni Visaya na malaki ang abala ng mga bomb threat sa operasyon ng eskwelahan.
Samantala, hinikayat niya ang lahat ng stakeholders na agad iulat sa PNP ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mabilis na maaksyunan ang ganitong uri ng insidente.
Matatandaang ito na ang iakalawang beses na nakatanggap ng bomb threat ang paaralan, na nagdulot ng pangamba sa mga magulang, guro, at mag-aaral.










