Nilinaw ni Vice Mayor Dr. Mario Acosta na wala siya sa botohan kaugnay ng Committee Chairmanship sa Sangguniang Bayan ng Cabatuan.
Ito ay matapos ang ilang pahayag mula sa ilang miyembro ng Municipal Council, partikular kay SB Member Mark Lester Cadeliña, matapos bawiin ang kaniyang posisyon bilang chairman ng Committee on Cooperative Development.
Ayon kay Cadeliña, dalawa lamang silang miyembro ng minorya na mula sa magkaibang partido, kaya mahalaga aniya na magkaroon sila ng representasyon. Binigyang-diin niya ang nakasaad sa Article II, Section 1 ng Philippine Constitution na ang Pilipinas ay isang demokratiko at republikang estado, at ang tunay na kapangyarihan ay nagmumula sa taumbayan, hindi lamang sa mayorya.
Dagdag pa niya, hindi maaaring baliwalain ang boses ng mga botanteng naghalal sa kanila sa konseho dahil pantay-pantay ang tungkulin ng bawat miyembro.
Samantala, paliwanag ni Vice Mayor Acosta, hindi sinasadya na magkaroon ng reorganization. Aniya, isang miyembro ng konseho ang nagmungkahi ng amendment na humantong sa pagbabago ng mga komite.
Ipinaliwanag din niya na ang Committee Chairmanship ay bahagi ng kapangyarihan ng Municipal Council, kung saan may nominasyon para sa mga miyembrong sa tingin ng konseho ay may kakayahang mamuno sa isang komite. Dahil walang ibang nominasyon, isinara ang nominasyon at naitalaga ang mga bagong chairman.
Bilang vice mayor, aniya, may kapangyarihan siyang magpatawag ng deliberasyon sa council, ngunit ang anumang mosyong tatalakayin ay dapat dumaan sa plenaryo at ideliberate ng mga miyembro, hindi siya mismo ang magpapasya.
Dagdag pa ni Acosta, walang sinumang dumulog sa kaniya kaugnay ng pagbawi sa chairmanship ni Cadeliña. Nagkataon din umano na wala si Cadeliña noong araw na isinagawa ang reorganisasyon.
Una nang binigyang-diin ni Vice Mayor Acosta ang kahalagahan ng pagkakaisa sa paglilingkod sa taumbayan.











