--Ads--

Inaprubahan na ng senado ang ikatlo at pinal na pagbasa sa panukalang Senate Bill 1506 o Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.

Sa botong 17-0, ipinasa sa senado nitong lunes ang panukalang nag aatas sa mga ahensiya ng pamahalaan na ilahad online ang mga dokumentong may kaugnayan sa budget upang mapalakas ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon kay Senador Bam Aquino, nagkaroon ng sapat na suporta ang panukala dahil sa kasalukuyang mga imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects, na nagbunsod ng panawagan ng publiko para sa pagbabago sa sistemang nagdudulot ng katiwalian.

Sa ilalim ng panukala, obligado ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na mag upload at regular na mag update ng mga dokumento tulad ng kontrata, halaga ng proyekto, bill of materials, at procurement records.

Ang mga opisyal na mabibigong sumunod o maglabas ng maling impormasyon ay maaaring managot sa ilalim ng administraribo o kriminal na mga parusa.

Samantala, nakabinbin naman sa kamara ang counterpart bill na House Bill No. 6761, at nananawagan si Aquino sa mga mambabatas na pabilisin ang pagpasa nito upang matiyak na napupunta sa tamang paggamitan ang pondo mula sa buwis ng taumbayan.