CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU matapos bumangga ang minaneho nitong motorsiklo sa isang concrete barrier sa Barangay Santos, San Agustin, Isabela.
Kinilala ang nasawing biktima na si Edison Rabonggie Dionson, 33-anyos at miyembro ng CAFGU.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fresiel Dela Cruz, sinabi niya na pauwi na sana ang biktima ngunit nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular sa pataas at palikong bahagi ng daan ay nawalan siya ng kontrol sa manibela ng kaniyang motorsiklo dahilan upang bumangga ito sa concrete barrier sa gilid ng daan.
Sa lakas ng pagbangga ay nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang biktima partikular sa kaniyang ulo na agad namang isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Ayon kay PMaj. Dela Cruz, maaaring naka-inom umano ang biktima nang maganap ang insidente.
Itinuturing naman na accident prone area ang lugar dahil ito ay paliko at kung hindi aniya maingat ang pagmamaneho lalo na kung hindi kabisado ang daan ay maaaring mapunta sa kabilang linya ang sasakyan na malimit na sanhi ng aksidente.
Pinaalalahanan naman niya ang mga motorista na iwasang magmaneho kapag nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin upang maiwasan na masangkot sa kaparehong insidente.