--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagbabala si Cagayan Governor Manuel Mamba sa mga taong nasa likod ng malawakang Paluwagan Scam sa Cagayan na lumantad na lamang dahil  masusi nilang maimbestigahan ito.

Nagsanib pwersa sina Gov. Mamba, Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que, NBI Cagayan Valley Dir. Victor Jhon Paul Ronquillo, Cagayan Police Provincial Director PCol. Julio Gorospe Jr., Tuguegarao City Acting Chief of Police Jhonalyn Tecbobolan at Regional Prosecutors Office upang bigyang solusyon ang isyu ng malawakang paluwagan scam sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Manuel Mamba, sinabi niya na nasa kostudiya na ng PNP ang apat na suspek sa malawakang paluwagan scam na ang iba ay mga kasapi ng pulisya.

Bukod sa mga pulis ay may ilan pang mga personalidad ang tinututukan para sa imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng naturang paluwagan scheme.

--Ads--

Ayon kay Gov. Mamba malaking bagay ang mga perang ginugugol ng mga biktima upang pumasok sa iba’t ibang mga investment scams kaya’t hinimok nito ang publiko na maging maingat at mapanuri sa mga pinapasukang investment.

Pangunahing modus ng mga scammer upang makapanlinlang ang pagpapatong ng interes na halos kalahating porsiyento o higit pa sa ihinulog na pera sa tinatawag na “Paluwagan”.

Mariing inihayag ng Punong Lalawigan na suportado niya ang panukala ni Mayor Ting-Que na pagpapatupad ng “ban” o pagbabawal ng anumang uri ng paluwagan, “buyout” at kahalintulad na gawain sa lalawigan ng Cagayan dahil sa napakarami nang nabibiktima sa ganitong scheme.

Unang nagsagawa ng pulong balitaan si Mayor Maila Ting-Que sa Provincial Capitol ng Cagayan kung saan inihayag nito na mahalagang matuldukan na ang talamak na panlilinlang ng mga scammer sa mga mamamayan.

Dahil dito ay tiniyak ng alkalde na gagawin nila ang lahat ng hakbang upang makagawa ng mga paraan na maiwasan ang pagdami ng mga nalolokong mamamayan.

Inatasan ng alkalde ang Tuguegarao City Legal Office na pag-aralan ang mga panuntunang kailangang ikonsidera upang makagawa ng isang Executive Order para sa rekomendasyong i-ban o ipagbawal ang “Paluwagan”.