CAUAYAN CITY – Hinimok ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan ang mga nagbibigay sa kanya ng impormasyon sa maaaring motibo ng pagpatay kay Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan na lumantad para makapagbigay sila ng lead sa mga imbestigador ng Philippine National Police (PNP).
Matatandaang napatay si Vice Mayor Alameda at limang kasama sa pananambang noong Linggo ng umaga, February 19, 2023 sa sinasakyan nilang Starex Van sa Baretbet, Bagabag. Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Mamba na hindi lang siya naniniwala kundi sure o sigurado siya na may kaugnayan sa local narco-politics sa Aparri ang pagpatay kay Vice Mayor Alameda.
Inamin ng punong lalawigan na naging problema nila noon sa Aparri ang sa talamak na illegal drug trade at sa katunayan ay may druglord na pinatay doon ngunit naroon pa rin ang kanyang mga tauhan at kanilang connection.
Tinatangka nilang buhayin at ang nakikita nilang balakid ay si Vice Mayor Alameda.
Sinabi ni Governor Mamba na sana tingnan ng PNP ang anggulong ito sapagkat multi-million ang ginawang operasyon ng mga nasa likod ng pananambang sa grupo ni Vice Mayor Alameda dahil sa pagsunog pa sa ginamit na getaway vehicle.
Ayon sa punong lalawigan, nang matalo sa halalan noong 2016 si Alameda ay itinalaga niyang consultant ng Task Force kontra Illegal drugs.
Sa Cagayan aniya ay may mga druglord na protektado ng mga pulitiko at mga otoridad.
Binanggit din ni Gov. Mamba na hiniling na ng pamilya ni Vice Mayor Alameda ang parralel investigation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa naganap na pananambang.
Ganito ang bahagi ng pahayag ni Cagayan Governor Manuel Mamba.