CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng Pulisya ang mga bali-balitang may gumagalang van na nangunguha ng bata at mga kababaihan.
Sa naging pagpapahayag ni PCpt. Shiela Joy Fronda, Public Information Officer ng Cagayan Police Provincial Office, sinabi niya na walang katotohanan ang mga impormasyong lumalabas sa social media patungkol sa gumagalang van na nangunguha ng bata at mga kababaihan.
Hanggang ngayon aniya ay wala pa silang natatanggap na reklamo o ulat ng mga nabiktima ng gumagalang van.
Aniya ipinag-utos na ng pamunuan ng Cagayan Police Provincial Office sa mga police station na magsagawa ng validation sa impormasyon at nalaman na walang kahit anong report ng missing na mga bata at kababaihan dahil sa gumagalang van.
Pinaalalahanan ni PCpt. Fronda ang publiko na huwag matakot at maging mapagmatyag pa rin para sa kaligtasan.
Pinaalalahanan din niya ang lahat na maging responsable sa paggamit ng social media at huwag magpakalat ng fake news na nagdudulot ng takot sa mga mamamayan.