--Ads--

CAUAYAN CITY – Napakataas na rin ang bilang ng Covid Patients ngayon sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, ang Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na kahapon ay umabot sa isandaan at labing siyam ang naitalang pasyente ng Covid 19 sa ospital.

Walumput walo rito ang Confirmed cases, dalawamput siyam na suspect patients at dalawang probable cases.

Aniya pinakamataas sa nasabing bilang ng Confirmed cases ay mula sa lalawigan ng Cagayan na mayroong animnaput dalawang kaso.

--Ads--

Dalawamput isang confirmed cases ang galing sa lalawigan ng Isabela habang mayroong limang galing sa ibang probinsya.

Maliban sa nakaadmit na ay may naghihintay pang walong pasyente na nananatili muna sa Covid OPD Emergency Room.

Aniya ang kabuuang bilang ngayon ng pasyenteng nasa ospital ay isandaan dalawamput pito.

Ayon kay Dr. Baggao, ito na ang pinakamataas na kasong naitala ng CVMC mula nang mag umpisa ang pagkalat ng Covid 19 sa rehiyon

Nasa isandaan at lima lamang ang covid bed capacity ng CVMC kaya kinailangan nilang magdagdag ng covid ward upang maaccommodate ang mga pasyente.

Sa kasalukuyan ay nasa dalawamput pito na ang bed capacity ng CVMC na kulang pa rin sa isandaan dalawamput walong pasyente.

Ayon kay Dr. Baggao, dahil may magkakamag anak o mag asawang pasyente ay sa isang kwarto na lamang sila nakaisolate upang magkasya ang bilang ng available beds ng ospital.

Hindi pa rin tumitigil ang nag iinquire sa CVMC upang magrefer ng mga covid patients ngunit iginiit ni Dr. Baggao na wala nang available na paglalagyan sa mga darating pang pasyente.

Aniya hindi nila maaaring ikompromiso ang kanilang non covid patients lalo na ang mga emergncy cases.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao.

Humihiling ngayon ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center sa DOH Region 2 na imonitor ang mga district hospitals sa rehiyon kung mayroon silang nakalaang bed capacity para sa Covid patients.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC, sinabi niya na may panuntunan namang ibinaba ang secretary of health na kailangang magkaroon ang mga district hospitals ng 30% bed capacity para sa mga covid patients.

Aniya kung ito ay nasusunod ay hindi sana mapupuno ang CVMC maging ang SIMC sa Santiago at ang R2TMC sa Bayombong Nueva Vizcaya.

Aniya maaari na sanang iadmit ang mga mild at moderate cases sa mga nasabing ospital.

Aniya kapag ganito ang kondisyon ng pasyente ay isolation lamang ang gagawin ng ospital sa kanila.

Ayon kay Dr. Baggao, dindi naman maaaring tumanggi ang CVMC dahil sila ang may sapat na kapasidad at kagamitan na aasikaso lalo na sa mga critical at severe patients.

Maliban sa maraming pasyente ay marami na ring natatanggap na specimens ang kanilang molecular laboratory.

Aniya nasa anim hanggang pitong daan ang kanilang naisasailalim sa testing kada araw at may mga specimens pang galing sa lalawigan ng Quirino at magdadala rin ang R2TMC ng mga specimens.

Hindi naman nagkakaroon ng backlog ang molecular lab dahil fully operational ang lahat ng kanilang tatlong machines.

Muli namang nanawagan si Dr. Baggao sa mga district hospitals na huwag nang dalhina ng mga mild at moderate cases sa CVMC dahil wala nang available beds para sa kanila.

Karagdagang pahayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao.