--Ads--

CAUAYAN CITY- Nakapagtala na ng dalawang kaso ng firecracker-related injuries ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) simula noong ika-21 hanggang ika-23 tatlo ng Disyembre 2024.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Lou Molina Antonio, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na ang mga biktima ay nasa edad pito at walong taong gulang mula sa Solana, Cagayan at Sta. Maria, Isabela.

Kapwa gumamit ng improvised na paputok o boga ang mga biktima kung saan nasabugan sila sa mata matapos umano nilang silipin ang loob ng kanilang mga boga.

Batay aniya sa optimologist at nurses na sumuri sa biktima ay hindi naman grabe ang tinamo nilang sugat kaya hindi na nila isinailalim pa sa operasyon.

--Ads--

Aniya, nito lamang ika-20 ng Disyembre ay naglunsad sila ng firecracker injury fast lane para sa mga biktima ng paputok upang agad silang mabigyan ng paunang lunas.

Tinitiyak din umano nila na nakaantabay ang mga medical team maging ang kanilang mga supply ng gamot at logistics upang tumugon sa kanitong klase ng mga kaso.

Ayon kay Dr. Antonio, hindi lamang firecracker related injuries ang kanilang tinututukan ngayong holiday season dahil pinaiigting din nila ang kanilang kampanya sa maingat na pagbaybay sa mga kakalsadahan o ang tinatawag nilang “BiyaHealthy”.

Simula noong Dec. 21 hanggang Dec. 23 ay mayroon nang 54 na mga road injuries ang naisugod sa kanilang pagamutan.

Karamihan sa mga ito ay nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin at mabibilis ang patakbo.

Dahil sa kaliwa’t kanang mga handaan ay pinaalalahanan din niya ang Publiko na maghinay-hinay sa pagkain at piliin ang mga pagkaing hindi gaanong matataba at matatamis upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan.