Inihayag ng Department of Health o DOH na pang-apat ang Cagayan Valley sa mga rehiyong may pinakamaraming road crash incidents sa bansa sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DOH Undersecretary Dr. Glenn Matthew Baggao, sinabi niya na base sa datos mula sa 10 sentinel hospitals mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 2, 2026, nasa 135 dito ang nakainom ng alak, 965 indibidwal na nasangkot sa aksidente ang hindi gumamit ng safety accessories gaya ng helmet at seatbelt habang nasa 787 naman ang nasangkot sa motorcycle road crash.
Kung saan lima mula sa 7 indibidwal na sakay ng motorsiklo ang binawian ng buhay habang dalawa ang nasawing pedestrians.
Ang kabuuang bilang ng road crash accidents ay tumaas ng 82% kung ikukumpara sa parehong panahon noong 2024.
Pinakamarami rito ang mula sa CALABARZON na may 148 kaso, sinundan ng Central Visayas na may 132, pumangatlo ang Davao Region na may 118, habang pang-apat ang Cagayan Valley na may 102 kaso.
Ang National Capital Region naman ay nakapagtala ng 101 kaso, na sinundan ng Eastern Visayas na may 100 kaso.
Karamihan sa mga natitirang rehiyon ay nakapagtala ng tig-dadalawang digit na bilang ng road crash incidents.
Ayon kay Dr. Baggao, karamihan sa mga insidenteng ito ay sangkot ang mga motorsiklo, kung saan marami sa mga drayber ay nakainom ng alak, hindi nagsusuot ng safety gears gaya ng helmet, inaantok habang nagmamaneho, o kaya’y gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Karamihan din sa mga biktima ay kalalakihan na may edad 13 hanggang 29.
Sa Cagayan Valley Medical Center, may naitalang dalawang kaso ng pagkasawi, matapos ideklarang dead on arrival ang dalawang biktima ng road crash incidents na dinala rito.
Batay sa monitoring ng DOH, naging araw-araw ang pagtaas ng mga naiulat na insidente, ngunit mas mababa pa rin ito kung ikukumpara sa naitala noong nakaraang taon.
Dahil sa nasabing bilang, nakipag-ugnayan na ang DOH sa mga regional offices nito upang dagdagan at paigtingin ang information dissemination, bilang paalala sa mga motorista sa pagbaybay sa mga pangunahing lansangan upang makaiwas sa mga aksidente.









