CAUAYAN CITY- Hinihintay pa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) region 2 ang report na manggagaling sa National Disaster Risk Reduction Management Council kaugnay sa mga naapektuhang Overseas Filipino Workers ng Bagyong Rosita.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Overseas Workers Welfare Officer 4 Luzviminda Tumaliuan, na siya ring Officer-In-Charge sa programs and Services ng OWWA Region 2 na ang naturang report ang gagamitin para maipadala sa kanilang punong tanggapan sa paghingi ng Calamity Assistance.
Sa ngayon anya ay hindi pa matiyak ng OWWA region 2 kung may maibibigay na tulong dahil naka-depende ito sa kanilang national office.
Inihayag pa ni Overseas Workers Welfare Officer 4 Tumaliuan na kinakailangan para makapagbigay ng calamity assistance ay mayroong state of calamity na naideklara sa isang lugar at kinakailangang makatanggap ng report mula sa DSWD at NDRRMC sa mga naapektuhan ng bagyong Rosita bago makapag-request ng pondo sa kanilang punong tanggapan.
Nauna rito ay nangako si DOLE Secretary Silvestre Bello III na mabibigyan ng tulong ang mga active at inactive OFWs na naapektuhan ng bagyong Ompong at Rosita.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagbibigay ng calamity assistance sa mga OFWs na naapektuhan ng bagyong Ompong sa Cagayan at mga bayan ng first district ng Isabela.
Hindi pa naman matiyak kung may maibibigay na tulong sa mga OFWs na naapektuhan ng bagyong Rosita.