CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa State of Calamity ang islang bayan ng Calayan dahil sa laki ng pinsalang iniwan ng bagyong Julian sa imprastraktura at pangkabuhayan sa naturang bayan.
Nitong Huwebes, nagkaisang inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang Resolusyong nagdedeklada na isailalim na sa state of calamity ang bayan sa rekomendasyon na rin ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council o MDRRMC.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joseph Jong Llopis ng Calayan Cagayan sinabi niya na halos 70% ang nasira sa mga pananim.
Pangunahing apektado ang northern part ng Isla kung saan mismong dumaan ang sentro ng bagyo.
Dalawang major bridges naman ang tuluyan nang bumigay at laking tuwa naman nila dahil walang naitalang casualty sa pananalasa ng bagyo sa kanilang bayan.
Umaasa naman silang mabibigyan ng pondo ang pagsasaayos sa nasirang dalawang tulay sa kanilang bayan dahil hindi kakayanin ng LGU ang pagpopondo para rito.
Sa ngayon ay nakapag-ayos na silang imprastrakturang nasira at may inaasahan ding tulong mula sa Provincial Government ng Cagayan.
Ayon kay Mayor Llopis nasa limandaang ektarya ng taniman ang nasira kaya inaasahan nilang milyon ang naitalang pinsala bagamat sa ngayon ay wala pa silang eksaktong datos habang sa imprastraktura ay nasa P112 milyon ang halaga ng pinsala.
Samantala nasa 49 na alagang kambing naman ang nasawi sa nasabing bayan matapos ang pananalasa ng Bagyong Julian.