CAUAYAN CITY – Muling naghahanda ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Isla ng Calayan kaugnay ng magiging epekto ng bagyong Obet.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Joseph Llopis ng Isla ng Calayan na umaasa sila na hindi maglalandfall ang bagyong Obet na tinutumbok ang pagitan ng kanilang isla at Batanes.
Sa ngayon aniya ay nararanasan sa kanilang lugar ang panaka-naka at mahinang hangin at ulan na dala ng bagyo.
Nagsagawa ng pulong kaninang alas nuebe ng umaga ang mga opisyal ng Local DRRMC at tinalakay ang paghahanda sa pagdating ng bagyo.
Wala pang ipinatupad na preemptive evacuation ngunit handa ang kanilang mga team sa ganitong aktibidad.
Ayon kay Mayor Llopis, ang nagdaang bagyong Neneng na tumama sa kanilang lugar ay nag-iwan ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura lalo na sa palay kaya isinailalim ang Isla ng Calayan sa state of calamity.