--Ads--

CAUAYAN CITY –Ipapasuri sa panrehiyong tanggapan ng Department of Health (DOH) region 2 ang candy na nagsanhi para sumakit ang tiyan ng labing isang mag-aaral sa Namnama Elementary School sa Jones, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni District Supervisor Charilito Mendoza ng Jones, Isabela na 11 mag-aaral na kinabibilangan ng sampung Grade-6 habang isa ang nasa Grade 2 ang biglang sumakit ang tiyan dahil sa kinaing candy.

Mayroong biniling candy ang mga mag-aaral sa labas ng kanilang paaralan na kanilang kinain habang naka- recess.

Nakaramdam anya ng pananakit sa tiyan ang mga nasabing mag-aaral na dinala sa pagamutan na kaagad lumabas subalit makaraan ang iIang araw ay muling sumakit ang tiyan ng walong mag-aaral kaya ibinalik sa pagamutan.

--Ads--

Inihayag pa ni District Supervisor Mendoza na kumuha ng sample sa candy na kinain ng mga mag-aaral ang Municipal Health Office ng Jones, Isabela upang ipasuri sa kanilang panrehiyong tanggapan.

Maghihigpit na anya ang pamunuan ng nasabing paaralan at pagbabawalan na ang mga batang bumili sa mga nagtitinda sa labas ng kanilang paaralan bagkus ay sa kanilang school canteen na lamang bibili ang mga mag-aaral upang maiwasan ang food poisoning.