--Ads--

Ibinunyag ni Cardinal Pablo Virgilio David na mayroong nakalaang P47.6 bilyon para sa mga mambabatas ng bansa, batay sa ibinahagi nitong datos mula sa 2025 General Appropriations Act (GAA).

Aniya, bawat senador ay may taunang budget na P580.42 milyon, na kapag ibinahagi sa 24 na senador ay umabot sa halos P13.93 bilyon para sa Senado sa loob ng isang taon. Katumbas ito ng humigit-kumulang P48.37 milyon kada buwan o P1.61 milyon kada araw bawat senador.

Samantala, bawat kongresista naman ay may nakalaang P106.53 milyon kada taon. Sa kabuuang 316 na miyembro ng Kamara, umabot ito sa P33.67 bilyon para sa House of Representatives.

Katumbas ito ng P8.88 milyon kada buwan o P292,598 kada araw bawat kongresista.

--Ads--

Sa kabuuan, umabot sa P47.6 bilyon ang opisyal na budget para sa lehislatura noong 2025.

Binanggit ni Cardinal David na hindi pa kasama rito ang tinatawag na “commissions” o kickbacks mula sa mga proyekto, pati na ang mga pondo mula sa unprogrammed appropriations at patronage funds na dumadaan sa mga ayuda programs gaya ng MAIFIP, TUPAD, AICS, at AKAP.

Binigyang-diin ng Cardinal na nananatiling mabigat na tanong kung paano ginagamit ang ganitong kalaking halaga, lalo na’t sa bansa ay patuloy na bumabaha ang mga silid-aralan, kulang ang mga ospital sa kama, nalulubog sa utang ang mga magsasaka, at namumuhay nang kapos ang mga manggagawa.

Aniya, ang P47.6 bilyon para sa mga mambabatas, bago pa man isama ang patronage at commissions ay hindi lamang usaping moral kundi isang pambansang usapin.

Dagdag pa niya, hinihintay pa kung magkano ang inilaan ng mga mambabatas para sa kanilang sarili sa 2026 GAA.