
CAUAYAN CITY – Natunton sa Bayombong, Nueva Vizcaya gamit ang Global Positioning Sytem (GPS) tracker ang isang Sport Utility Vehicle (SUV) na ninakaw sa Mandaluyong City.
Ang sasakyan ay pag-aari ng isang POGO member habang ang mga suspek ay sina Irish Dan Arcega, 37 anyos, may-asawa at isang empliyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at nakatatandang kapatid na si Harold Arcega, 48 anyos may asawa, empliyado ng DITO Telecommunications at kapwa residente ng Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa imbestigasyon ng Bayombong Police Station, nawala ang isang Toyota Fortuner 2019 Model sa Mandaluyong City at gamit ang GPS ay napag-alamang nasa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. George Maribbay, hepe ng Bayombong Police Station, sinabi niya nakipag-ugnayan ang Mandaluyong City Police Station sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) at sa kanilang himpilan upang matunton ang naturang nakaw na sasakyan.
Natunton sa compound ng mga suspek ang sasakyan batay sa isinagawang pag-aaral at map reading.
Inihayag ng isa sa mga suspek na ibinenta nito ang kanyang lumang sasakyan upang bumili ng bago at nang malaman ng kaniyang nakatatandang kapatid ang kanyang plano ay inirekomenda nito ang nakitang sasakyan sa online shop.
Siya na rin ang nakipagtransaksyon at nakipagkita sa suspek na kinilala sa pangalang Jack hanggang sa maibiyahe ang sasakyan sa lalawigan na lingid sa kanilang kaalaman na ito ay carnapped vehicle.
Ayon kay PMaj. Maribbay, nang magsagawa sila ng entrapment operation ay tumawag ang isa sa mga suspek sa nasabing dealer upang sitahin kaya nabigo na silang matunton ito at makontak.
Sinabi ni PMaj Maribbay na nabili lamang ang sasakyan sa halagang 600,000 pesos.
Ipinasakamay na sa Mandaluyong Police Station ang mga suspek at ang sasakyan na nakarehistro sa pangalang Wenxing Su para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.










