--Ads--

Hinamon ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro si Senator Alan Peter Cayetano na pangunahan nito ang pagbitiw sa puwesto kaugnay sa panawagan nitong snap election.

Ito ay matapos hilingin ng Senador na magbitiw ang lahat ng mga halal na opisyal ng gobyerno simula sa Presidente hanggang sa mga kongresista upang mabigyang daan ang snap election na magpapanumbalik umano ng tiwala ng publiko sa mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Castro, kung seryoso si Cayetano sa panawagang ito ay dapat niya itong pangunahan bilang siya na rin ang nagmungkahi ng naturang ideya.

Ipinaalala naman ni Castro na may mga pangako pa si Cayetano sa taumbayan na hanggang ngayon ay hindi pa natutupad, isa na rito ang P10,000 na ayuda bawat pamilya na hindi pa nakakalimutan ng mga botante.

--Ads--

Huwag na aniyang guluhin ang isipan ng publiko dahil malinaw na ang talagang gusto ni Cayetano ay matanggal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posisyon upang maupo ang taong nais nitong mailuklok sa puwesto.