Patuloy na paghihigpit ng Cauayan Airport Police sa seguridad sa loob at paligid ng paliparan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. Ricardo Lappay, Assistant Station Chief ng Cauayan Airport Police, sinabi nito na bago pa man magsimula ang operasyon ng paliparan ay nagsasagawa na ng regular na paglilibot ang kanilang mga personnel kasama ang dalawang explosive detection dogs. Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng lugar at maiwasan ang anumang bomb threat o presensya ng pampasabog.
Dagdag pa ni PLT. Lappay, bahagi rin ng kanilang pagbabantay ang vital areas ng paliparan, partikular sa departure at arrival sections kung saan dumaraan ang mga biyahero.
Tiniyak ng opisyal na patuloy nilang pinananatili ang katahimikan at kaayusan sa kanilang nasasakupan, lalo na at papalapit na ang holiday season na inaasahang magdadala ng mas maraming pasahero.
Pinayuhan din ni PLT. Lappay ang publiko na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit, kabilang ang mga tinatawag na anting-anting, na aniya ay madalas na nagdudulot ng isyu sa security screening. Kapag umabot sa mahigit sampung paglabag ang isang indibidwal ay may kaakibat na itong penalty.
Binigyang-diin din ng opisyal na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibiro o pagbanggit ng anumang bomb joke dahil nagdudulot ito ng pagkaantala ng biyahe at pag-aalala sa mga pasahero.
Gayundin, hindi rin pinapahintulutan ang pagdadala ng mga paputok dahil itinuturing itong explosive at mahigpit na ipinagbabawal ng ahensiya.











