CAUAYAN CITY – Nagbigay ng paliwanag ang City Agriculture Office tungkol sa presyo ng ipinapamahaging abono ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA sa mga magsasaka.
Una nang dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang magsasaka kung saan kanyang kinwestyon ang proseso ng pamamahagi ng abono dahil noong siya ay bumili ay siyam na raang piso lamang ang presyo ng isang sako ng Urea ngunit sa ibinibigay ng ka-tie up na agricultural supplier ng DA ay mas mataas dahil 1, 100 pesos na kada isang sako.
Aniya malaki na ang maikakaltas sa P9,000 na alokasyon ng kanyang voucher na ginagamit para makakuha ng abono dahil mas mahal na ang presyo nito.
Mas mabuti na lang sana umano kung cash nalang na ibigay ang nasabing voucher at sila na lamang ang bibili ng abono.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, sinabi niya na dati ay mayroon silang tatlong participating dealers ng abono sa lunsod ng Cauayan ngunit nagback out ang dalawa dahil mataas ang presyuhan ng abono at nagkukulang sa stocks dahil nationwide ang programang ito ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Nilinaw ni Engr. Alozo na nakadipende ang mga vouchers sa presyo ng mga abono sa merkado kaya kung mataas ang presyo nito ay mataas din ang maikakaltas sa voucher.
Sa kasalukuyan ang presyo ng isang sako ng Urea ay nasa P1,100 at P1,050 naman ang isang sako ng Triple 14.
Aniya ang Voucher ng mga magsasaka ay P1000 ang presyo ng abono ngunit dahil mas mataas ang presyo ngayon sa merkado ay may counterpart o babayaran ang magsasaka.
Maaari ring kung ayaw ng magsasaka na magbayad ay babawasan ng per kilo ang abono upang ipantay sa P1000 na voucher nito.
Nilinaw naman ni Engr. Alonzo na hindi maaaring ipalit sa cash ang voucher na ibinibigay ng DA sa mga magsasaka dahil ang ibinibigay lang ng supplier ay abono at bawal na kumuha ng ibang item tulad ng mga pesticide.
Aniya mawawalan din ng saysay ang programa ng DA kung hindi abono ang paglalaanan sa mga nasabing voucher.