CAUAYAN CITY – Naka full alert na ang Cauayan City Airport Police Station para sa paggunita ng semana santa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Eduard Caballero, hepe ng Cauayan City Airport Police Station na pinaigting na nila ang seguridad sa paliparan at naglagay ng police assistant desk sa arrival at departing area ng airport.
Aniya, nakafull alert sila ngayon at lahat ng kanilang tauhan ay nakaduty para sa semana santa.
Pinayuhan niya ang mga pasahero na huwag nang magdala ng bala ng baril dahil ipinagbabawal ito sa eroplano.
Ayon kay PCapt. Caballero, kadalasan sa naitatala nilang problema ay ang pagdadala ng bala ng ilang pasahero na ang rason ay anting-anting lamng ito.
Aniya, kinukumpiska nila ito at pinapapirma ng affidavit of undertaking na boluntaryong ipinasakamay ng pasahero ang bala sa kanilang himpilan bago sila pinapayagan na bumiyahe.
Karaniwan aniya sa mga pasaherong nahuhulihan ng bala ay ang mga papunta sa coastal area ng Isabela.
Isa pa sa naitatala nilang problema ay ang mga pasahero na nalilate sa kanilang biyahe kaya payo niya ay agahang pumunta sa airport para hindi sila maiwanan ng eroplano.
Sinabi pa ni PCapt. Caballero na karamihan sa mga dumarating na pasahero mula sa Metro Manila ay foreigners na gustong mamasyal.
Tinig ni PCapt. Eduard Caballero.