--Ads--

Nagbukas na ang Cauayan City Athletic Association (CCAA) Meet 2025 ngayong araw, na nilalahukan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod ng Cauayan. Iba’t ibang emosyon at reaksyon ang nararanasan ngayon ng mga manlalaro habang sila’y humahanda sa mga laban.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Angelo Umayam, isa sa mga kalahok na lumaban na rin sa CAVRAA noong nakaraang taon, ibinahagi niya na matindi ang kanyang naging paghahanda para sa kompetisyon. Ayon sa kanya, hindi niya alam kung malalakas o mahihina ang kanyang mga makakalaban kaya’t araw-araw siyang nagsanay bago sumapit ang palaro. Idinagdag pa niya na isa sa mga inaasahan niyang magiging matinding katunggali ay ang Cauayan City Stand Alone – Senior High School, kaya mas pinagbutihan pa niya ang kanyang training.

Nagbigay rin siya ng mensahe sa kapwa atleta at sinabi niyang mahalaga ang palagiang pag-eensayo dahil hindi mo malalaman kung kailan ka mananalo o matatalo, at bago maranasan ang ginhawa ay kailangang pagdaanan muna ang hirap.

Samantala, hindi naglabas ng memorandum ang SDO Cauayan na magbibigay ng excuse sa mga estudyanteng hindi atleta upang makapanood ng mga laro. Dahil dito, tanging mga manlalaro at coaches lamang ang dumalo sa opening ceremony ng CCAA Meet 2025.

--Ads--

Samantala, tiniyak ng hanay ng Sport Division Office ng lungsod ng Cauayan na magiging puspusan ang magiging preperasyon nila sa mga makukuhang manlalaro sa darating na CAVRAA.

Target na mahigitan ng opisina ang naging performance nila last year ng SDO Cauayan kung kailan pumantay sila sa Top 6 ng SDO Tuguegarao.

Ayon kay Norman Tolentino ang Sports Division Officer, mahalaga na matutukan ang nga bata maging sa kanilang preparasyon sa darating na CAVRAA.

Dagdag pa niya, malaking pressure din ito lalo na sa mga naki-CAVRAA nung nakaraang taon kasi base sa kanilang naging assessment handa ang bawat player ngayon na makikilahok sa isinasagawang City Meet.