--Ads--

Nagpapatuloy ang mga serbisyong isinasagawa ng Cauayan City Civil Registrar sa ilalim ng Una Ka Dito Caravan ng pamahalaang panlungsod na inilulunsad sa iba’t ibang barangay tuwing araw ng Sabado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Civil Registrar Nerissa Serrano, sinabi niya na napakalaking tulong ng City Hall on Wheels Caravan dahil mas madali na para sa mga residente ang pag-avail ng mga pangunahing serbisyo ng lokal na pamahalaan nang hindi na kinakailangang bumiyahe pa patungong city hall.

Kabilang sa mga serbisyong inilalapit ng LGU sa pamamagitan ng caravan ang pagkuha ng PSA birth certificate, marriage certificate, death certificate, CENOMAR (Certificate of No Marriage Record) at iba pang kaugnay na dokumento.

Nilinaw ni Serrano na may kaukulang bayad ang mga dokumento, gaya ng ₱155 para sa death certificate at marriage certificate, habang ang CENOMAR ay nagkakahalaga ng ₱210 alinsunod sa itinakdang singil ng Philippine Statistics Authority (PSA).

--Ads--

Ayon pa sa kanya, daan-daang residente ang nakikinabang sa bawat araw ng caravan, bagay na ikinatuwa ng kanilang tanggapan dahil nagiging hassle-free na para sa mga residente ang pagkuha ng mahahalagang papeles mula sa LGU. Dagdag pa rito, nakatutulong din ang programa upang mabawasan ang pila at pagdagsa ng tao sa city hall.

Ngayong Sabado, nakatakdang magsagawa ng caravan sa Barangay Baringin Sur. Ang mga residente mula sa mga karatig-barangay na Gagabutan, Duminit, Guayabal, Dabburab, Baringin Sur, at Baringin Norte ay mabibigyan ng pagkakataong makinabang sa naturang serbisyo.