CAUAYAN CITY-Kinilala bilang Drug Free Workplace station ang Cauyan City Component Police Station ng Philippine Drug Enforcement Region 2.
Resulta ito ng isinagawang evaluation ng PDEA sa mga police station na naglalayong masuri ang bawat personnel dito.
Ayon kay Provincial Officer Maria Editha Bunagan ng PDEA Isabela, ginawaran ang Cauayan City Police Station ng drug free workplace station dahil sa pumasa ito sa naging evaluation ng PDEA.
Nagsagawa kasi ng drug test sa lahat ng mga personnel ng presinto upang masuri ang mga ito.
Sa naging resulta ng drug test, lumalabas aniya na negatibo lahat sa iligal na droga ang mga personnel dito.
Maliban sa reorientation ay nagsasagawa rin sila ng deliberation para sa retention ng Drug Cleared Barangay status kung saan 42 drug cleared barangay mula sa 65 barangay ang retained habang dadaan pa sa verification sa mga susunod na Linggo ang karagdagang tatlong barangay.
Nanatili ngayon ang operasyon ng PDEA kasabay ng barangay drug clearing para mapanatili na drug free province ng Isabela.
Ikinatuwa rin ito ng hepe ng Cauayan city component police station na si PLtCol Ernesto Nebalasca Jr, aniya dahil dito ay mas masisiguro na lahat ng mga pulis sa kanilang hanay ay malilinis.
Paraan din ito aniya para masiguro ng publiko na maayos na naglilingkod ang kanilang hanay sa publiko.
Kaugnay nito, ikinatuwa ng hanay ng mga opisyales ng Barangay Alicaocao ang pagkakapanatili nito bilang Drug cleared Barangay batay sa inilabas na status ng PDEA Isabela.
Kabilang ang nabanggit na barangay sa 42 Barangay na inanunsyo ng PDEA isabela na nakapag retain ng Drug Cleared Barangay status.
Ayon kay Kag. Arturo Recobo, napakahalaga ng ganitong ulat upang makapagbigay ng kapanatagan sa kanilang nasasakupan.
Giit pa ng opisyal, bunga rin ito ng tuloy tuloy na ginagawang monitoring ng mga opisyal sa.kanilang nasasakupan.
Gaya na lamang ng monitoring sa mga naninirahan sa kanilang barangay maging ang mga dumarayo rito.
Dagdag pa ng opisyal, maging ang mga ambulant resident ay may records sila upang masigurong walang makakalusot na gagawa ng kalokohan.
Aniya, ang resulta na inilabas ng PDEA Isabela ay malaking bagay para sa mga opisyal at mamamayan ng barangay upang mapanatag sa kanilang seguridad.










