Nagsagawa ang City Cooperative Office ng dalawang araw na seminar sa succession planning para sa mga lider ng kooperatiba sa Lungsod ng Cauayan bilang tugon sa patuloy na suliraning kinakaharap ng mga ito tuwing may nagreretiro, umaalis, o namamatay na opisyal o empleyado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sylvia Domingo, City Cooperative Officer ng Cauayan City, sinabi niya na ang pagsasanay ay idinisenyo upang ihanda ang mga chairperson at manager ng iba’t ibang kooperatiba sa pagbuo ng kani-kanilang succession plan, na inaasahang magtitiyak ng tuloy-tuloy na operasyon at serbisyo sa loob ng kanilang organisasyon.
Sa unang araw ng aktibidad, tinalakay sa orientation ang kahulugan at kahalagahan ng succession planning, bago sinundan ng serye ng diskusyon tungkol sa mga dapat isaalang-alang sa pagbuo ng naturang plano.
Sa pagpapatuloy ng seminar, abala ang mga kalahok sa pagbalangkas ng kani-kanilang succession plan para sa kanilang kooperatiba.
Dagdag pa ni Domingo, napagmasdan sa mga nagdaang taon na maraming kooperatiba ang nahihirapang makapagtalaga agad ng kapalit kapag may umaalis o nagreretiro sa kanilang hanay.
Tinutukoy ng ahensya na ang naturang pagsasanay ay inaasahang makatutulong upang maiwasan ang pagkaantala sa pamunuan at operasyon ng mga kooperatiba.
Inaasahan ding mas lalo pang paiigtingin ng lokal na pamahalaan ang mga hakbang para sa pagpapatibay at pag-unlad ng mga kooperatiba sa mga susunod na taon.











