Mas ilalapit sa mga barangay ang serbisyo ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ngayong 2026 sa pamamagitan ng planong pagsasagawa ng mobile sessions, kasabay ng muling pagbubukas ng mga tanggapan ng pamahalaan ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar Delmendo, sinabi niyang isa ito sa mga pangunahing programang tututukan ng konseho ngayong taon upang mas maging bukas at madaling lapitan ang hanay ng mga mambabatas ng lungsod.
Paliwanag ni SP Member Delmendo, sa halip na palaging idaos ang mga sesyon sa City Hall, maglilibot ang mga konsehal sa mga barangay upang ipakita na bukas at handang makinig ang hanay ng konseho sa mga mamamayan. Aniya, malaking tulong ito upang mas maging epektibo ang paggawa at pagpasa ng mga ordinansang tunay na tumutugon sa sitwasyon ng komunidad.
Patuloy ang isinasagawang konsultasyon at pag-uusap ng mga councilors upang maplantsa ang sistema at iskedyul ng mobile sessions. Target umanong simulan ang programa sa forest region sa susunod na linggo, bilang unang hakbang sa paglalapit ng lokal na pamahalaan sa mga mamamayan.
Dagdag pa ni Delmendo, ang konsepto ng mobile session ay hango sa sistema ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, na napatunayang epektibo sa pag-abot ng serbisyo hanggang sa mga liblib na lugar. Layunin ngayon ng pamahalaang lungsod na ipatupad din ito upang mas mapalakas ang partisipasyon ng publiko sa lokal na pamamahala.
Kasabay nito, tiniyak din ng konseho na patuloy nilang tututukan ang pagpasa ng mga ordinansang magpapabuti sa kalagayan ng mga mamamayan bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa isang mas produktibong taong 2026.











