--Ads--

Nagpasa na ng ordinansa ang Cauayan City Council upang i-revoke o bawiin ang franchise ng pribadong kompanyang Primark na namamahala sa pampublikong pamilihan ng lungsod, bunsod ng sunod-sunod na reklamo mula sa mga vendors at mamimili kaugnay ng hindi maayos na pamamahala at kondisyon ng pasilidad sa loob ng palengke.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar Delmendo, inihayag niyang matagal nang inirereklamo ang kalagayan ng Cauayan City Public Market, lalo na ng mga tenants na mahigpit sa pagbabayad ng renta ngunit kapos ang natatanggap na serbisyo at pasilidad mula sa pamunuan ng Primark.

Batay sa isinagawang inspeksyon ng konseho, napag-alamang marumi ang pasilidad, hindi maayos ang waste management, at barado o hindi nalilinis ang mga drainage canals. Tinukoy din na hindi makatarungan para sa mga nagbabayad nang tama ang makaranas ng ganitong uri ng serbisyo.

Giit ni Delmendo, kahit pa may natitira pang ilang taon sa kontrata ng Primark, kinakailangan na ng agarang aksyon mula sa lokal na pamahalaan upang maiayos ang sistema sa pamilihan at masigurong ligtas at malinis ang kapaligiran para sa mga vendors at mamimili.

--Ads--

Dagdag pa niya, sa kabila ng ilang beses na ipinatawag ang Primark para sa public hearings, hindi dumadalo ang mga opisyal nito at pawang mga kinatawan lamang ang ipinapadala. Ngayon lamang umano sila nagsumite ng hiling para sa dayalogo matapos maipasa ang ordinansa sa pagbawi ng kanilang prangkisa.

Mula nang magsimulang pamunuan ng Primark ang Public Market ay naipon na ang kanilang utang na buwis sa lokal na pamahalaan na umabot sa P56 milyon.

Tiniyak naman ng konseho na mananatili ang mga kasalukuyang vendors sa kanilang pwesto at hindi sila maaapektuhan ng transition. Gayunpaman, magkakaroon ng rehabilitasyon sa mga pasilidad upang maisaayos ang mga suliranin sa palengke.

Iginiit ni Delmendo na panahon na upang ibalik sa lokal na pamahalaan ang pamamahala sa pampublikong pamilihan, upang maibsan ang matagal nang hinaing ng mga vendors at mapabuti ang serbisyo para sa publiko.