--Ads--

Nagsagawa ng committee hearing ang Sangguniang Panlungsod ng Cauayan kaugnay sa isang panukalang ordinansa na nag-uutos sa mga construction activities sa lungsod na gumamit lamang ng mga light equipment.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar Delmendo, sinabi niyang layunin ng ordinansa na mabawasan ang pagkasira ng mga kalsada sa lungsod na dulot ng paggamit ng mabibigat na kagamitan ng mga construction firms, at upang mapagaan din ang mabigat na daloy ng trapiko.

Aniya, ang mga inner roads ang pangunahing naaapektuhan, dahil hindi ito kasing tibay ng mga national roads, kaya’t madali itong masira sa tuwing dumadaan ang mga mabibigat na equipment.

Mungkahi ni SP Delmendo sa mga construction companies na gumamit na lamang ng mga light equipment tulad ng mini dump truck at mini backhoe bilang alternatibong gamit sa loob ng lungsod.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nasa ikalawang pagbasa pa lamang ang nasabing ordinansa, at inaasahang tatalakayin pa ito ng konseho sa mga susunod na pagdinig  pangunahin na ang mga parusang ipapataw sa mga lalabag.