Tiniyak ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan na patuloy nilang imo-monitor ang operasyon ng mga poultry farm sa lungsod, kasunod ng matagumpay na pansamantalang pagpapasara sa isang poultry farm sa Brgy. Marabulig Uno.
Matatandaang ipinasara ang naturang farm dahil sa hindi pagsunod sa itinakdang pamantayan sa operasyon ng negosyo, na nagdulot ng perwisyong pangkalusugan sa mga residente ng lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar Delmendo, sinabi niyang dalawang poultry farm ang madalas ireklamo sa lungsod dahil sa hindi maayos na operasyon, masangsang na amoy, at pagdami ng langaw.
Isa na rito ang poultry farm sa Brgy. Gappal, na nabigyan na ng babala. Ayon kay Delmendo, nakahanda na rin ang Sangguniang Panlungsod na ipatupad ang pansamantalang pagsasara kung muling makatatanggap ng reklamo laban dito.
Tiniyak din niya na hindi lamang poultry farms ang kanilang babantayan, kundi pati na rin ang mga piggery farms sa lungsod. Aniya, ang mga ganitong negosyo ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga residente kung hindi mapananatili ang kalinisan at wastong pamamalakad.
Nagbabala rin si Delmendo sa iba pang farm owners sa lungsod na sumunod sa mga alituntunin upang hindi matulad sa poultry farm na naipasara dahil sa paulit-ulit na paglabag.











