
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng Cauayan City District Jail na hindi malalabag ang karapatan ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL na makaboto ngayong darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Emerald Hombrebueno, Warden ng Cauayan City District Jail sinabi niyang may mga miyembro ng Commission on Election o COMELEC Cauayan City ang magtutungo sa kulungan sa araw ng eleksyon upang hindi na kailangang lumabas ang mga PDLs.
Aniya sa mahigit dalawang daang PDLs sa piitan ay labing anim lamang ang nasa listahan ng COMELEC na puwedeng makaboto.
Sa Brgy. Tagaran na rin sila makakaboto kahit hindi sila nakatira doon basta may anim na buwan na silang nakakulong at kabilang sila sa listahan ng COMELEC.
Maaari ring mangampanya sa loob ng District Jail ang mga tatakbong barangay officials basta kumuha sila ng kaukulang permiso.
Samantala tuloy naman sa pagtakbo ngayong halalan ang isang PDL na nakulong at puwede pa ring makapag-kampanya sa labas kung papayagan siya ng korte.
Umaasa naman si Atty. Hombrebueno na magiging mapayapa ang darating na halalan sa loob ng District Jail.










