--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa half-mast ang bandila sa harapan ng Cauayan City Hall bilang pagluluksa sa pagpanaw ni dating City Councilor Bagnos Maximo Sr. na matagal na naglingkod bilang city administrator ng pamahalaang lunsod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Mayor Bernard Dy na ang matagal nang iniindang karamdaman at hindi COVID-19 ang sanhi ng pagpanaw ni dating SP Member Maximo.

Ayon kay Mayor Dy, hindi naospital kundi mapayapang pumanaw si Maximo sa kanilang bahay sa kanyang farm.

Kinilala ni Mayor Dy ang malaking ambag ni Ginoong Maximo sa pamahalaang lokal ng Cauayan City bilang dating muncipal at city administrator ng maraming taon bago siya tumakbo at nahalal na miyembro ng Sangguniang Panlunsod.

--Ads--

Dahil sa kanyang iniindang karamdaman ay hindi na siya muling tumakbo kundi ang anak na si dating Barangay Kapitan Bagnos Maximo Jr. ng District III, Cauayan City ang tumakbo at nahalal noong nakaraang eleksiyon.

Ayon kay Mayor Dy, hindi matatawaran ang naging kontribusyon ni dating City Administratr Maximo kung ano ngayon ang Cauayan City.

Dahil aniya sa malawak na karanasan ni Ginoong Maximo ay alam niya ang mga kailangan at problema ng mga mamamayan at nakatulong nang malaki ito sa maayos na pamamalakad sa pamahalaang lokal lalo na noong panahon ng panunungkulan ng kanyang ama na si yumaong Mayor at Governor Benjamin Dy Jr.