--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakiisa ang mga mamamayan ng Cauayan City sa buong mundo sa biglaang pagpanaw ni NBA Legend Kobe Bryant matapos bumagsak ang sinasakyan nitong helicopter sa California.

Sa social media post ni Mayor Bernard Dy, mababasa ang hashtag Mamba Forever, hashtag Kobe, hashtag RIP Kobe.

Kasabay nito ang isang video na ipinapakita ang city hall ng Cauayan na nagkulay purple at gold bilang pagpupugay kay Kobe.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jaycee Bartolome, SK Chairman ng District 1, Cauayan City, sinabi niya na labis ang kanyang pagkabigla nang magising kahapon at ang pagkamatay ni Kobe Bryant ang bumungad sa kanya.

--Ads--

Aniya, bago sila natulog ng kanyang mga kaibigan noong linggo ay pinag-uusapan pa nila sina Lebron James at Kobe Bryant matapos malamangan ni Lebron ang pagiging all time living scorer ni Kobe Bryant na nasa ikatlong pwesto.

Pagkagising aniya nila kinaumagahan ay iyon pa rin ang kanilang pinag-usapan pero hindi na tungkol sa basketball kundi sa pagkaaksidente ni Kobe na sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon pa kay Ginoong Bartolome, bilang isang millenial ay itinuturing nila na isang Michael Jordan si Kobe Bryant dahil isa siya sa mga hinahangaan at dahilan kung bakit nag-umpisa ang isang bata na maglaro ng basketball.

Aniya, lahat ng mga naglalaro ng basketball ay hindi pwedeng hindi kilala si Kobe Bryant dahil sa mga magagandang nagawa nito sa larangan ng basketball.

Tinig ni Jaycee Bartolome, SK Chairman ng District 1, Cauayan City.