CAUAYAN CITY – Inamin ng Cauayan City Health Office na marami paring mga magulang ang tumatangging pabakunahan ang kanilang mga anak sa kabila ng patuloy nilang pagpapaliwanag na ligtas ang mga bakunang itinuturok ngayon ng Department of Health (DOH)
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Carlos Maximo Jr., Focal Person ng National Immunization Program ng City Health Office na sa kabila ng ginagawa nilang pagpapaliwanag kaugnay sa mga benepisyo, pagiging ligtas at walang side effects ng mga bakuna ay marami pa rin ang mga magulang tumatangging magpabakuna ng kanilang mga anak.
Maaaring dahil umano ito sa usapin noon sa bakunang Dengvaxia na pinaniniwalang sanhi ng kamatayan ng ilang batang naturukan nito.
Kaugnay nito, muling ipinaliwanag ng City Health Office na ligtas sa mga bata ang ibinabakuna nilang pangontra sa mga sakit at tinitiyak rin nilang sinusuri muna nila kung may ibang karamdaman ang mga bata bago nila ibigay ang mga bakuna.
Sa ngayon anya ay nag-umpisa na sila sa pagtuturok ng bakuna pangontra sa tigdas sa mga bata sa mga barangay ng lungsod.