--Ads--

Mas pinaiigting ng City Health Office ng Cauayan City ang kampanya nito laban sa HIV sa pamamagitan ng pagpapalawak ng impormasyon hinggil sa prevention, treatment, at care upang mahikayat ang mas maraming residente na sumailalim sa HIV testing.

Ayon sa STI–HIV/AIDS Coordinator na si Ginang Delia Gonzalvo, dumarami na ngayon ang nagpapa-test dahil mas maayos nang naipaliliwanag sa kanila ang proseso ng HIV screening.

Ipinaliwanag niya na marami pa rin ang naniniwala na kapag nagkaroon ng HIV ay agad itong humahantong sa pagkamatay, ngunit nilinaw niyang hindi ito tama.

Sinabi niya na nananatiling mahaba ang buhay ng isang taong may HIV basta’t tuloy-tuloy itong sumasailalim sa Antiretroviral Therapy (ART).

--Ads--

Ipinabatid din ni Gonzalvo na tumatanggap ang health center ng voluntary HIV screening mula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. araw-araw.

Bukas din ang kanilang pasilidad para sa konsultasyon at pagsusuri kaugnay ng sexually transmitted infections (STI).

Patuloy na hinihikayat ng City Health Office ang publiko na magpatingin at huwag mag-atubiling humingi ng tulong medikal upang mapanatili ang kalusugan at maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.