Nagbabala ang Cauayan City Health Office sa mga naliligo sa tubig baha ngayong tapos na ang pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon sa CHO, mapanganib ang paliligo at maging ang paglusong sa baha dahil sa mga sakit na pwedeng makuha mula rito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Corazon Magudang, Deployed Health Officer ng City Health Office, sinabi niya na hindi lang leptospirosis ang maaaring makuha sa paliligo at paglusong sa baha.
Aniya, maari ring magkaroon ng ibat ibang skin diseases dahil dito.
Kaya naman nagpaalala siya sa lahat na huwag maligo sa baha at kung hindi talaga maiiwasan ang paglusong ay maiging gumamit ng bota.
Bukod pa rito, tinitignan din ng CHO Cauayan ang posibilidad ng pagtaas ng kaso ng dengue sa lungsod lalo na at maraming mga lugar ang binaha.
Ayon pa sa CHO, mahalaga na mapanatili ang kalinisan ng paligid upang huwag magkaroon ng dako para mangitlog ang mga lamok.