--Ads--

Nakapagtala ng mahigit 20 na kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) ang City Health Office simula noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nurse 1 Delia Gonzalvo, Sexually transmitted infections- Human Immunodeficiency Virus (STI-HIV) Coordinator sinabi niya na bumaba naman ang bilang nito mula sa dating 33 noong 2023.

Ang bilang ng naitalang kaso ay hindi lamang aniya mga residente sa Cauayan kundi maging ang mga residente na rin ng iba’t-ibang munisipalidad.

Kalimitan kasi aniya ay mga taga ibang lugar ang nagtutungo sa kanilang tanggapan para sa HIV screening dahil sa confidentiality na kanilang hinahangad.

--Ads--

Posible kasi aniya na umabot sa kahihiyan sakaling malaman ng isang komunidad ang kanilang kalagayan kaya sa City Health Office sila nagtutungo.

Dagdag pa ni Nurse Gonzalvo, bagaman mayroon nang mahigit 20 na positibong kaso, mayroon pa aniyang kasalukuyang inoobserbahan na 10 mga indibidwal.

Patuloy naman aniya ang kanilang pagtanggap ng kliyente upang mabigyan ng gabay ang mga mayroong positibong kaso.

Ipinag bibigay alam pa ng City Health Office na libre ang screening para sa HIV, at confidential lahat ng impormasyon kaya ligtas ang mga personal na detalye ng mga kliyenteng magtutungo sa tanggapan.